Ian told me, years years back, that it is liberating to write a blog in Tagalog. Since I am currently in Mabini, Batangas (my first vacation trip in a long time), I will attempt to write in Tagalog and hopefully, get liberated from certain lingering thoughts and feelings. Here it is, my first entry in Tagalog…
Gusto kong tumigil magmahal. Gusto kong anurin ng humahampas na alon ang dinadaing ng aking puso. Gusto kong kumawala sa kalungkutang bumabalot sa aking pagkatao, na patuloy na gumagapang sa aking gunita tuwing mayroong pagkakataong nag-iisa ako kasama ang aking mga saloobin. Kagaya ngayon. Sa tabi ng dagat. Habang pumapanaghoy ang maalinsangang hangin ng Mabini, Batangas. Habang pinapanood ko ang madilim na langit mula sa aking duyan.
Labingdalawang-taong gulang ako nang una at huli akong nakarating sa Anilao. Kaarawan noon ng aking abuelo. Kumpleto ang pamilya, masaya. Dalawang bagay ang hindi ko makakalimutan noon: Una) ang napakaraming magagandang bato sa baybayin ng Anilao; at Pangalawa) Nang sumugod ang aking mga tiyuhin sa swimming pool para kausapin ang matandang lalaking nanghipo sa aking pinsan.
Mahigit isang dekada na ang nakalipas. Wala na akong maalala pa sa panahong labindalawa ako. Hindi ko na rin maalala na dumaan ako sa ganoong edad. Pero ngayong nakahiga ako sa duyan ng aking kubo, sa kalagitnaan ng gabi, habang pinapanood ang malakas na along humhampas sa batuhan, naalala ko ang dati.
At ito ang gusto kong sabihin sa sarili ko noon: Masakit magmahal. Katulad ito ng mga makukulay na bato sa dalampasigan ng Anilao na kumikinang sa ilalim ng araw--maganda pero nakakasugat. Para itong isang manyak na lalaki sa swimming pool, aabusuhin ka, sasaktan ka pa minsan. Bababa ang tingin mo sa sarili mo, mahihiya ka, pero kailangan mo itong sabihin sa iba. Tama ang iisipin mo kapag tumuntong ka ng kolehiyo: Ang pag-ibig ang sisira sa buhay mo.
Pero gusto ko ding sabihin sa sarili ko ito: Masarap magmahal. Kailangan mo lang humanap ng tamang tao. Naniniwala ako na merong lalaking tatanggapin ang napakaraming bagay tungkol sa'yo. Hindi mo kailangang ipilit ang sarili mo sa kanya. Hindi mo kailangang gumawa ang paraan para mahalin niya. Hindi mo kailangang kalimutan kung sino ka, kung ano ka, at kung ano ang kaya mong gawin. Hindi mo kailangang tumigil mangarap para sa kanya--dahil gusto niya ding mangarap kasama mo.
Kapag hinawakan niya ang kamay mo, hindi mo maiisip na isa ka lang sa maraming kamay na hinawakan niya. Kapag tinignan niya ang mata mo at sinasabing gusto ka niya, hindi mo maiisip na sinabi niya ito sa maraming babaeng nakasama niya dati. Kapag hinalikan ka niya, hindi sasama ang tingin mo sa sarili mo, hindi mo mararamdamang inabuso ka.
Huwag kang matakot magmahal. Huwag kang matakot makakilala ng lalaking iba sa'yo. Huwag mong ikahon ang pag-ibig sa nararamdaman mo lamang. At higit sa lahat, huwag mong lamang isipin ang gagawin mo para sa kanya. Isipin mo din siya. Dahil kagaya mo, kaya din niyang magmahal. At kaya din niyang gawin ang kaya mong gawin. Kung kaya mo siyang mahalin, kaya ka din niyang mahalin. Ang pag-ibig ay hindi nanggagaling sa'yo lamang. Ito ay mula sa inyong dalawa.
Ang pag-ibig ay paglaya. Masakit man o masarap, ang pag-ibig ang magpapalaya sa'yo. Tatanggalin niya ang bahagi sa'yo na takot masaktan. Tutulungan ka nitong tanggapin kung sino ka. Kung hanggang saan ang kaya mong maramdaman. Kung hanggang ano ang kaya mong tiisin.
Pero huwag mong kalimutan na ang pag-ibig ay isa ding kulungan. Kaya ka nitong ilagay sa isang hawla ng pagkabaliw, ng adiksyon, ng obsesyon--at kagaya ng maraming babaeng hindi iniinda ang pang-aabuso sa kanila ng mga minamahal nila, kaya ka nitong bulagin.
Pero kaya mo ding pumili. At sa huli, Leeann, piliin mong maging malaya. Piliin mong magmahal at masaktan. Piliin mong tumawa at umiyak. Piliin mong mangarap, hindi lang ng isa, kun'di ng marami. Piliin mong maghintay. Piliin mong maging masaya. - 4/6/2013
-
Ang Pag-ibig ay Paglaya Leilani Chavez 9:07 PM
You might also like
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments:
Post a Comment